Nasunod ang boses ng mga Pilipino sa naging desisyon ng Kamara de Representantes na ilipat ang confidential funds ng mga civilian agency.
Ito ang inihayag ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr.
Ayon kay Haresco nakasaad sa Konstitisyon na ang Kongreso ang mayroong power of the purse at nagsisilbing boses ng mga Pilipino ang kinatawan ng mga ito.
Ipinunto ni Haresco na ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire at madalas na dinaraanan ng mga bagyo kaya ang paglilipat umano ng confidential funds para magamit sa mga emergency situation ay hindi lamang naaayon sa Saligang Batas kundi angkop din sa panahon.
Sinabi ni Haresco na nababagay din ang confidential fund sa mga security agency ng gobyerno gaya ng AFP at PNP kaysa sa mga civilian executive agency.
Ayon kay Haresco ang paglalaan ng confidential funds ay dumaan din sa masusing deliberasyon sa mga nagdaang Kongreso at hindi ito ngayong lamang nangyari.
Bilang kinatawan umano ng mga Pilipino nakinig lamang ang mga miyembro ng Kamara sa kanilang mga nasasakupan.