Kalibo Aklan —— Nakapagtala ng halos 10,000 hanggang 13,000 na mga turistang bumisita sa Isla ng Boracay kahapon ng Huwebes Santo o Maundy Thurday.
Ayon kay Coast Guard Senior Chief Petty Officer Dominador C. Salvino, Deputy Station Commander for Operations ng Philippine Coast Guard o PCG-Aklan na sa unang pagkakataon mula ng pumutok ang pandemya ay dinagsa ng mga turista ang sikat na Isla.
Aniya, walang tigil ang pagdating ng mga turista mula umaga hanggang sa hapon sakay ng mga barko at eroplano papuntang Boracay.
Sa kabila nito, sinisiguro ng PCG na nakaalerto ang kanilang mga tauhan upang mapanatiling nasusunod ang health protocol at maiwasan ang pagkahawaan ng nakakamatay na sakit na COVID-19.
Samantala, ngayong araw ng Biyernes ay inaasahang bumaba na ang bilang ng mga pasahero matapos na magkansela ng biyahe ang mga barko mula sa Batangas at Romblon papuntang Caticlan at vice versa.