Umani ng papuri mula sa DEPED Region 1 ang pagkakapapanalo ng Bonuan Boquig National Highschool sa international competition.
Ayon kay Dr. Tolentino Aquino, director ng DEPED Region 1, nagagalak ang buong DEPED hindi lamang sa region 1 kundi sa pangkalahatan dahil pinatunayan nito na ang kagawaran ng edukasyon ay tumutugon sa panawagan at pangangailanan ng kalikasan.
Giit pa niya na ito ay pagpapakita ng environmental concerned ng paaralan at naisabuhay ng mga mag aaral ang pamamalasakit sa kalikasan.
Ito aniya ay isang napakagandang halimbawa dahil nagbigay ito ng maraming aral.
Dagdag pa ni Aquino na suportado nila ang ginawa ng BNHS at nais nilang i-showcase ang ginawa nila sa lahat ng 14 school division sa region 1.
Matatandaan na hinirang ng global education organization na T4 Education ang BBNHS bilang Top Prize Winner sa T4 World’s Best School for Environmental Action.
Ang programang “Ilog ko, Aroen ko” Adopt a River Project ang naging entry ng BBNHS sa kompetisyon.
Sa naturang kompetisyon nasa $50, 000 o higit 3 milyong piso ang kanilang napanalunang premyo.
Mula sa 1,000 entries sa buong mundo, nakatunggali ng BBNHS sa top spot ang International School of Zug & Luzern sa Switzerland at ang Green School of Bali sa Indonesia.
Napili ang kanilang paaralan sa ilalim ng category na “Environmental Action” na kumikilala sa kahalaganan ng mga kabataang estudyante at paaralan tungo sa paggawa ng mga hakbang laban sa global warming at climate crisis.