VIGAN CITY – Limang tama ng bala sa likod ang kumitil sa buhay ng isang babaeng bokalista ng isang banda sa San Juan, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Jade Macaraeg, hepe ng San Juan municipal police station, ang biktima ay nakilalang si Ruzziel Pagaoa Lumibao, 41-anyos na dalaga at residente ng Guimod Sur, San Juan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa gig ang biktima at sakay ng kaniyang motorsiklo nang barilin siya ng mga salaring sumusunod sa kanya sa Barangay Guimod Sur.

Kasabay nito ay nananawagan ang pamilya ng biktima, lalo na sa mga nakasaksi sa krimen o may nalalaman sa krimen, na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

Ilang anggulo naman ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen tulad ng money lending business nito at ilan pang personal na isyu.