-- Advertisements --

Bohol, nananatili umanong ASF-free matapos nacontain at wala ng naitalang kaso ng sakit sa 15-days monitoring; Pagpapadala ng mga baboy mula sa lalawigan patungong ibang probinsiya maliban sa Cebu, pinayagan pa rin

Iginiit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol na nananatili itong African Swine Fever (ASF)-free sa kabila ng unang naitalang kumpirmadong kaso ng sakit sa Purok 6, San Vicente, Pilar sa huling bahagi ng Hulyo.

Inihayag ni Provincial Veterinarian Dr. Stella Lapiz na sa kasalukuyan ay wala pa silang natanggap na deklarasyon at hindi pa umano idineklara ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry ang lalawigan bilang red zone o infected area.

Sinabi pa ni Lapiz na wala rin umanong naitalang kaso ng nasabing sakit at walang naiulat na namatay na mga baboy sa ibang mga lugar sa kanilang 15 araw na monitoring na nagtatapos noong Agosto 9.

Gayunpaman , inamin nitong nakapasok sa lalawigan ang African swine Fever base sa confirmatory test kung saan ang nasa 100m radius lamang umano ang may namatay at nagpositibo habang negatibo na ang resulta sa mga nasa 500m radius.

Sinimulan na rin umano kahapon, Agosto 10, ang pagsusuri sa mga baboy na nasa 1 km radius.

Ibinunyag pa nito na tinatanggap pa rin ang kanilang mga baboy sa ibang probinsiya maliban sa Cebu na agad nagpatupad ng temporaryong pagban sa mga baboy at produktong baboy.

Samantala, naglabas na ng memorandum si Bohol Gov. Aris Aumentado na humimok sa mga local government units na paiigtingin pa ang kanilang pagbabantay laban sa African Swine Fever.