Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na walang kaso na ihahain laban sa Philippine Airlines (PAL) crew members na nag-uwi ng sibuyas at iba pang hindi deklaradong mga produktong pang-agrikultura sa bansa bilang pasalubong o souvenir sa kanilang pamilya.
Paliwanag ni BOC spokesman Arnaldo Dela Torre, ang nakasaad lamang sa Presidential Decree No. 1433 o ang Plant Quarantine Decree of 1978 ay kukumpiskahin lamang ang agricultural products na dinala sa bansa para sa personal consumption.
Subalit nanindigan ang BOC official na ang pagdadala ng agricultural products sa Pilipinas mula sa ibang bansa nang walang sanitary at phytosanitary clearance certificates gayundin kapag walang permiso mula sa Bureau of Plant Industry ay ipinagbabawal gaano man kadami.
Una rito, noong Enero 10, naharang ng mga awtoridad ang nasa halos 40 kilo ng sibuyas at mga prutas mula sa Middle East na iniuwi ng 10 PAL crew members dito sa bansa nang walang permits.
Bagamat hindi maghahain ang BOC ng complaint laban sa mga crew ng PAL, sinabi ni Dela Torre na gagawa sila ng legal action kaugnay sa naging behavior ng grupo.
Nauna ng inihayag ng BOC na nagpakita ng hindi magandang asal ang mga flight attendant matapos na ipaalam ang nagawa nilang paglabag sa pamamagitan ng pagtapak, pagsira at pagdurog sa mga nasabing produkto.