Nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Customs (BoC) sa Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DoH) para siguruhing mababantayang maayos ang mga national borders at hindi makapasok sa bansa ang mga mapanganib na import goods at products bunsod ng banta ng African Swine Fever (ASF).

Ito ay para na rin sa kaligtasan at proteksiyon ng publiko.

Mahigpit daw na sinusunod ng BoC ang tamang procedures para hindi makapasok ang mga food products na naglalaman ng mga sakit gaya ng ASF.

Maisasagawa lamang daw ng BoC ang mga procedures at mare-regulate ang pagpasok ng mga commodities sa bansa sa pamamagitan ng close coordination sa DA at DoH ang primary agency na nagre-regulate ng import food products sa bansa.

Bilang pagsunod daw sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013, ang lahat ng mga imported foods ay dapat sumailalim sa inspection at clearance procedures mula sa DA habang ang DoH naman ang magdedetermina kung nasunod ang national regulations na una munang isinasagawa bago ang assessment para sa tariff at iba pang charges na isasagawa ng BoC.

-- Advertisement --

Noong nakaraang taon, ipinanukala ng DA ang pagbuo ng first-border inspection (FBI) facilities sa mga pangunahing ports sa bansa.

Sa sandaling maipatupad daw ang proyekto, mabibigyan na ng pagkakataon ang DA na magsagawa ng first border inspection sa lahat ng animals, plants, fisheries at iba pang kahalintulad na agricultural products na dumadating sa Pilipinas mula sa ibang bansa.

Sa ngayon, regular namang nagbibigay ang BoC ng mga dokumento sa DA at DOH gaya ng Inward Foreign Manifest of Arriving Vessels para makilala ang mga shipments na nangangailangan ng food safety inspection. 

Bilang bahagi naman ng clearance procedures, regular ding nagpapatupad ng boarding formalities ang BoC kasama ang Quarantine Officers of the Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa ilalim ng Customs Memorandum Order No 04-2020, lahat ng mga refrigerated containers na naglalaman ng agricultural products ay kailangang dumaan sa Electronic Tracking of Containerized Cargo (E-TRACC) system ng BoC. 

Layon ng Electronic Tracking of Containerized Cargo (E-TRACC) system na mapahigpit ang seguridad ng pagbiyahe ng mga reefer vans sa mga accredited cold storage facilities. 

Matapos makumpleto ang customs cargo clearance, kailangan naman ng mga reefer vans na maselyuhan ng Electronic Customs Seal, isa itong uri ng GPS-equipped device at dadalhin ito sa mga DA-accredited cold storage facilities.

Dito na magsasagawa ang DA ng 100 percent examination sa mga shipment. 

Ang mga karne at poultry products ay iinspeksiyunin ng National Meat Inspection Services (NMIS) habang ang mga isda at aquatic products ay susuriin naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang mga halaman ay dadaan naman sa Bureau of Plant Industry (PBI).

Nangako ang BoC na patuloy ang kanilang pagbabantay para hindi mapakaso ang mga karneng infected ng ASF.

Sa katunayan, noong nakaraang taon ay umabot sa P98 million ang halaga ng mga iligal na imported meat at pork products ang naharang ng Customs.