Nagsampa ngayon ng kaso ang Bureau of Customs (BoC) sa pamamagitan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) laban sa dalawang importers at customs brokers dahil sa umano’y paglabag ng mga ito sa Customs laws, rules at regulations.
Ang Arma Consumer Goods Trading ay humaharap sa kaso dahil daw sa iligal na importation ng steel coils at face shields na nagkakahalaga ng P959,164.59 noong Hunyo 25, 2020 sa Port of Manila.
Nahaharap ngayon ang importer at customs broker ng kaso dahil sa paglabag sa violation Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Kasong kriminal din ang isinampa laban sa Zhenpin Consumer Goods Trading dahil naman sa importation at misdeclaration ng iba’t ibang agricultural products gaya ng carrots at broccoli na nagkakahalaga ng P8,817,339.49 sa Port of Subic.
Papalo naman sa 12 paglabag ang kinahaharap ng Zhenpin Consumer Goods Trading at kanilang customs broker dahil sa paglabag ng ilang section ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 na may kaugnayan sa Department of Agriculture (DA) Circular No. 04, Series of 2016, at Article 172 ng Revised Penal Code (RPC).
Maghahain din ng administrative cases ang BoC sa Professional Regulation Commission laban sa mga Licensed Customs Brokers na sangkot sa mga kaso.