-- Advertisements --

Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) ang mga red flag sa Bureau of Customs (BOC) sa pagpapalabas ng mga kargamento na may tinatayang duties and taxes na P3. billion na dapat sana ay isasailalim sa 100% physical inspection.

Sa 2022 annual audit report sa BOC, sinabi ng mga state auditor na 2,416 na consumption entries na na-tag bilang “green, yellow o orange” ang inilabas nang hindi nagsasagawa ng mandatoryong 100% physical inspection, na hindi naaayon nakapirming pamantayan ng kawanihan.

Ang mga item na nasa kategoryang “green” ay inilabas nang walang karagdagang inspeksyon, ang “yellow” ay nangangailangan ng pagpapatunay ng mga kinakailangan sa dokumentaryo at ang “orange” ay kailangang sumailalim sa pisikal na inspeksyon kung ang imahe ay kahina-hinala sa x-ray scan.

Nabatid sa audit report na sumang-ayon ang pamunuan ng BOC sa rekomendasyon ng audit team na i-review ang P3.558 billion entries at ipaliwanag ang hindi pagsunod sa fixed criteria ng kawanihan.

Napansin din ng audit team ang hindi naaangkop na pag-tag sa 45,677 consumption entries na may assessment na mga duties and taxes na P38.510 billion.

Binanggit din sa audit report ang naantalang pagtatapon ng mga forfeited goods and articles sa kabuuang P567.2 million.

Kabilang sa mga daungan na may pinakamataas na tinatayang halaga ng mga forfeited goods na naantala sa pagtatapon ay ang mga Port of Manila, Zamboanga, at Limay.

Una na rito, ang isang kopya ng ulat ay natanggap ng tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio noong Hunyo 22 ng taong kasalukuyan.