LEGAZPI CITY – Hindi umano dapat masamain ng ilang kritiko ang naging pagpirma ng dugo o blood pact ni Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Dante Jimenez sa appointment paper nito bilang bagong co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Paliwanag ni Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pagpapakita lamang ito na “passionate” siya sa trabaho.
Aniya, ito ang pinakamahalagang papel na gagampanan sa 29 na taon na kampanya laban sa iligal na droga at iba pang krimen kaagapay ng itinatag na Volunteers Against Crime and Corruption.
Pagbabahagi pa ni Jimenez na pinanghuhugutan niya ng lakas sa bagong posisyon ang kapatid na si Boboy na pinaslang ng mga drug lords.
Samantala, muling iginiit ni Jimenez ang pangangailangan ng bansa sa death penalty reimposition upang masawata ang talamak na problema sa illegal drugs.
Bumiyahe patungong Bicol ngayong araw si Jimenez upang gunitain ang birth anniversary ng pumanaw nitong kapatid.