CAGAYAN DE ORO CITY – Umapela na ang business sector na tapusin na ng dalawang kampo ng mga politiko ang bangayan patungkol sa isyu nang pagsusuplay ng tubig sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos hindi na nagustuhan ng ilang mga opisyal ng Oro Chamber of Commerce Incorporated ang pagbabantuhan ng mga alegasyon ni incumbent City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy at dating alkalde rin ng syudad na si Atty. Oscar Moreno kung bakit nagkaroon ng malaking babayarin ang water district sa kompanya ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan na Metro Pacific Waters na pumasok dito sa syudad.
Sinabi ni Oro Chamber of Commerce board chairman Raymundo Talimio Jr na hindi ikabubuti para sa business climate kung magbabangayan ang mga pinuno ng syudad dahil lang sa isyu ng tubig.
Suhestiyon nito na dapat agad na resolbahin ang isyu kaysa umani ng negatibong impresyon mula sa mga malalaking investors ang isyu na multi-million peso payables ng Cagayan de Oro Water District (COWD) sa MetroPac Waters sa pamamagitan ng Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated (COBI).
Magugunitang hindi kinilala ng COWD board of directors ang higit P400 milyon payables na siningil ng COBI dahil nakarga nito ang water increase na kontra-tiyempo sapagkat bago pa lang nakabangon ang ekonomiya epekto sa COVID-19 pandemic.
Pumasok sa eksena ang city government upang alamin ang nakapaloob sa 30 year bulk water contract at isinisi kay Moreno kung bakit naipit ang COWD sa malaking babayarin.
Napag-alaman na nagbigay ng panibagong ultimatum ang MetrPac na kapag hindi mabayaran ng COWD ang kanilang utang ay ihihinto na nito ang water supply pagdating sa Abril 12 nitong taon.










