ILOILO CITY – Sinibak na sa pwesto ang personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos nag-amok sa loob ng isang bar sa Mandurriao, Iloilo City.
Ang nasabing BJMP personnel ay kinilalang si Jail Officer 2 Iris Lizada, 38, ng Brgy. Burirao, Lambunao, Iloilo at na-assign sa BJMP-Nanga, Pototan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Senior Jail Officer 3 Leo Lacerna, chief ng Investigation and Prosecution Division ng BJMP Region 6, sinabi nito na kaagad na nakapiyansa si Lizada matapos hinuli kasama ng kanyang mga kaibigan na sina, Agustin Pedrosa, 40; Joel Librando, 21 at Julius Lizada, 43 na pawang residente ng Brgy. Burirao, Lambunao, Iloilo.
Ayon kay Lacerna, itinalaga muna sa opisina ng BJMP-6 si Lizada at posibleng sampahan ng kasong administratibo at kriminal na maaaring magresulta sa kanyang pagkabilanggo o pagkatanggal sa trabaho.
Inihayag ni Lacerna na nilabag ni Lizada ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa lahat ng uniformed personnel na uminom sa pampublikong lugar at nilabag din nito ang limitasyon hinggil sa pagbitbit ng service firearm.
Bago pa man nito, nag-amok at tinangka pa umano si Lizada na magpaputok ng kanyang service firearm ng singilin ng manager at bouncer ng Saxxy’s Bar and Gril ng kanilang bill na umaabot P2,025.