-- Advertisements --

Tumigil ng ilang minuto ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) dahil sa magnitude 6.3 na lindol kaninang alas-7:43 ng umaga sa Calatagan, Batangas.

Dahil sa malakas na pagyanig na naramdaman sa MRT-3 stations, nagdesisyon ang pamunuan na pansamantalang itigil ng ilang minuto ang kanilang operasyon.

Pinayuhan ng MRT-3 management ang kanilang train operators na tumigil sa pinakamalapit na estasyon nang magkaroon ng lindol, na ramdam din sa Metro Manila, kaninang umaga.

Dakong alas-8:32 na ng umaga nang bumalik sa kanilang operasyon ang mga tren ng MRT-3, sa bilis na 50 KPH sa mainline, matapos ang isinagawang inspeksyon sa mga riles.

Samantala, nagdesisyon din ang management ng LRT-2 na pansamantalang suspendihin ang kanilang operason bunsod ng malakas na lindol.