Walang naitalang malaking abala ang isinagawang transport strike sa mga pasahero dito sa kalakhang Maynila maliban na lamang sa iilang mga lugar.
Ito ay batay sa isinagawang monitoring ng Malakanyang kaugnay ng patuloy nilang pagmomonitor sa sitwasyon sa ibat-ibang mga lugar sa gitna ng ikinakasang tigil- pasada ng grupo ng Manibela at Piston.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, malaking bagay dito ang naging hakbang na Libreng Sakay ng gobyerno gamit ang assets at personnel ng mga sangay ng pamahalaan.
Kabilang na dito ang PNP na umasiste sa sa mga apektadong pasahero mula Almar Subdivision sa Caloocan patungong Quezon City habang may ipinakalat ding sasakyan sa ruta ng Dapitan-Baclaran bukod pa sa maagang deployment ng mga sassakyan para sa Libreng Sakay sa Pasay, Marikina at Caloocan City.
Dagdag ni Garafil na base sa monitoring naman nila sa EDSA Busway Carousel, hindi naman naka-apekto ang transport strike activity sa operasyon nito at tumatakbo ng maayos ang mga bus at nakapaghahatid ng mga pasahero sa kanilang destinasyon.
Nasa 30 stranded na mga pasahero ang natanggap ng Palasyo sa may bahagi ng SM-Crossing Calamba Terminal sa Calamba city, Laguna habang normal naman ang rutang Calamba- Biñan gayundin ang ruta ng Calamba-Pacita Complex.