-- Advertisements --

Umapela ang Catholic bishop ng Bohol sa publiko para sa konserbasyon ng national treasures sa gitna ng kontrobersiya na bumabalot sa resort na itinayo sa loob ng Chocolate Hills protected area.

Sa isang statement, binigyang diin ni Bishop Alberto Uy of Tagbilaran ang pangangailangan para sa kilalanin at mahalin ang natural wonders ng Bohol lalo na ang Chocolate hills at mga baybayin nito.

Sinabi din ng obispo sa statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na dapat na magsumikap na ipreserba ang mga likas na yaman na tunay na nagpapaespesyal sa nasabing probinsiya.

Hinimok din ni Bishop Tagbilaran ang mananampalataya na gumawa ng mga proaktibong hakbang sa pagprotekta sa kapaligiran sa pamamagitan ng conservation efforts, sustainable practices o pagadbokasiya para sa mga polisiya na prayoridad ang pangangalaga sa kalikasan.

Ang panawagan ng obispo ay kasunod ng pag-viral sa social mdeia ng ipinatayong Captain’s Peak resort sa loob mismo ng Chocolate Hills Protected area.

Nagong sentro ito ng samu’t saring reaksiyon online kung saan kinukwestyon ng marami ang kung paano nakalusot at bakit itinayo ang naturang resort sa gitna ng protected area.

Una ng ipinaliwanag ng DENR na inisyu nito ang temporary closure order sa pagtatayo ng resort noong Setyembre 2, 2023 gayundin naglabas ito ng notice of violation noon lamang Enero 22, 2024 dahil sa pa-operate nito ng walang Environmental Compliance Certificate (ECC).