Nakalikom ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng P279.1 bilyon sa Mayo 2026, mas mataas ng 14.15% kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Lumampas din ito sa target ng ahensya na P279.056 bilyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, nakatulong ang pinalawig na filing season at ang kooperasyon ng mga nagbabayad ng buwis sa magandang resulta.
Ipinaliwanag ni Mendoza na ang ekstensyon na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nagbigay ng dagdag na panahon sa mga taxpayer upang maayos na makapag-file at makapagbayad sa gitna ng energy crisis.
Mula Enero hanggang Mayo 2026, umabot sa P1.434 trilyon ang kabuuang kita ng BIR, mas mataas ng 5.49% o P74.582 bilyon kaysa sa parehong panahon noong 2025.
Dagdag pa ni Mendoza, nakamit ang paglago kasabay ng pagpapatupad ng mga reporma sa ilalim ng BIR DARES agenda, kabilang ang paglunsad ng Taxpayer Portal at QR-enabled Certificate of Registration para sa online businesses.
















