-- Advertisements --

Aabot ng P547.9 million halaga ng buwis ang nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa unang siyam na buwan ng taon mula sa 178 commercial establishments na dating isinara dahil sa kabiguan na makapag-rehistro o makabayad ng wastong halaga ng buwis, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa isang statement, sinabi ng DOF na ang pagpapasara sa 178 na establisiyemento ay alinsunod sa Revenue Memorandum Order (RMO) No. 3-2009, o mas kilala bilang “Oplan Kandado Program.”

Base sa report ng BIR kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, sinabi ng DOF na 14 pang kaso ang inihain ng BIR sa Court of Tax Appeals (CTA) para makakolekta ng nasa P338 million na tax liabilities mula sa iba’t ibang respondents.

Samantala, 72 reklamo hinggil sa tinatayang P3.4 billion na tax liabilities na inihain ng BIR sa DOJ naman ang kasalukuyang sumasailalim na sa preliminary investigasyon.

Noong nakaraang taon, ang BIR ay nakakolekta ng kabuuang P1.92 billion sa ilalim ng “Oplan Kandado” program nito kung saan 743 establisiyemento ang pansamantalang ipinasara dahil sa iba’t ibang paglabag sa National Internal Revenue Code.