Mahigpit na nagbigay ng babala si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. sa mga matagumpay na kandidato ng May 2023 Licensure for Certified Public Accountants hinggil sa mga panganib na nauugnay sa paggamit ng peke o ghost receipts at invoice sa kanilang mga propesyonal na aktibidad.
Ginawa ito ni Lumagui matapos simulan ang legal na paglilitis para sa tax evasion laban sa isang certified public accountant (CPA) na umano’y sangkot sa isang sindikato na gumagawa ng mga pekeng resibo.
Nagsampa siya ng kasong kriminal sa Department of Justice ( DOJ) at hiniling na bawiin ang lisensya ng certified public accountant mula sa Professional Regulation Commission (PRC).
Bukod pa rito, binawi ng BIR ang akreditasyon ng accountant dahil sa pagkakasangkot nito sa sindikato.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal sa DOJ, pagbawi ng lisensya sa Professional Regulation Commission, at pagtanggal ng accreditation ng BIR ang certified public accountant na sangkot sa sindikato ng pekeng resibo.
Itinatag ni Lumagui ang National Task Force – Run After Fake Transactions para labanan ang matagal nang gawi ng mga taxpayers na bumibili ng mga pekeng resibo at ibinibigay ang mga ito sa kanilang mga kliyente para makaiwas sa buwis.
Una na rito, ibinunyag niya na ang naturang task force ay naghahanda ng tax evasion charges laban sa mga negosyong nag-iisyu ng mga pekeng resibo at invoice sa kanilang mga customer.