-- Advertisements --
BIR

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na paigtingin ang pagsisikap nito na maalis ang paglaganap ng mga tinatawag na ghost receipts at pekeng mga resibo, at sinabing ang mga naturang aktibidad ay nakababawas sa kita ng pamahalaan at nakakaapekto nang masama sa mga malilit na negosyo.

Ang mga ghost receipts aniya ay tumutukoy sa mga resibo na inisyu na walang pinagbabatayan na mga transaksyon. Sa madaling salita, walang aktuwal na bentahan na nangyari pero may inilabas na resibo.

Ang mga pekeng resibo naman o fake receipts, sa kabilang banda, ay mga resibo na hindi awtorisado ng BIR dahil ang nilalagay dito ay mas maliit na halaga ng benta.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., umabot na sa P1.3 trilyon ang tinatayang kabuuang halaga ng mga ghost receipts na nailabas.

Batay sa income tax at value-added tax rates na 25% at 12%, ang gobyerno ay nawalan ng hindi bababa sa P370 bilyon na kita mula sa paggamit ng mga ghost receipts ng iba’t ibang negosyo.

“Ito ay isang seryosong isyu. Ang pinag-uusapan dito ay sa isang trilyong pisong halaga ng mga mapanlinlang na resibo na umiikot sa sistema, at ito ay nakakaapekto hindi lamang sa koleksyon ng gobyerno kundi pati na rin sa mga nagbabayad ng buwis na gumagawa ng tapat na negosyo,” sabi ni Gatchalian, na binanggit ang isang partikular na kaso ng paggamit ng mga pekeng resibo na nakarating sa kanyang atensyon.

Habang nakasampa na ang BIR ng mga kasong kriminal laban sa mga bumibili at nagbebenta ng mga ganitong uri ng resibo, binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang dapat lalo pang paigtingin ang kampanya para mapabuti ang koleksyon ng buwis at kita ng gobyerno at protektahan ang mga maliliit na negosyong nabibiktima ng mga nagbebenta ng mga ghost receipts o mga negosyong naglalabas ng mga pekeng resibo.