-- Advertisements --

Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang makuha ang mga tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio bilang bahagi ng nagpapatuloy na proseso ng impeachment.

Sa kautusang may petsang Marso 31, 2026, inatasan ng komite si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na humarap sa pagdinig sa Abril 14, 2026 ng Justice panel.

Hinihingi ng mga mambabatas ang mga dokumento hinggil sa tax compliance at iniulat na kita ng mag-asawa, kabilang ang mga certified true copy ng kanilang Income Tax Returns (ITR) mula taong 2007 hanggang 2025.

Sakop din ng subpoena ang mga rekord ng iba’t ibang kumpanya at negosyo na hinihinalang may kaugnayan sa mag-asawa, gaya ng Metro City Chow Foods Corp., Gencorp Industries Inc., at Carpio Lawyers, at iba pa.

Ayon sa komite, layon ng hakbang na ito na maberipika at mapatotohanan ang mga isinumiteng impormasyon sa BIR na may kaugnayan sa mga inihaing reklamo laban sa Bise Presidente.

Ang subpoena ay nilagdaan nina Justice Committee Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Kasalukuyan nang sinusuri ng panel kung may sapat na batayan ang reklamo upang iakyat ito sa plenaryo para sa posibleng paglilitis sa Senado.