Nangako si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na dadalo sa impeachment hearing ng House Justice Committee laban kay Vice President Sara Duterte na nakatakda sa Abril 14.
Unang inimbitahan ng komite ang naturang opisyal, at kalaunan ay pina-subpoena rin ang mga record ng imbestigasyon kaugnay sa mga umano’y pagbabanta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Matibag, handa siyang isumite sa House Committee on Justice ang lahat ng dokumentong hinihingi, kabilang ang certified true copies ng mga record ng imbestigasyon.
Batay sa naunang ulat ng NBI, inirekomenda ng ahensya sa Department of Justice na kasuhan si VP Sara ng grave threats at inciting to sedition.
Ang imbestigasyon ay sinimulan noong pamumuno ni dating Judge Jaime Santiago bilang NBI chief, bago tuluyang pumalit si Matibag.
Maliban kay Matibag, limang iba pa ang sinasabing ipinatawag ng House panel para kunan ng salaysay.
Kasama dito ang isa sa defense counsel ni VP na si Atty. Michael Poa.
















