Hinimok ng Embahada ng China sa Maynila ang Pilipinas na itigil ang umano’y “probokasyon” sa West Philippine Sea, at iginiit na magsasagawa ang Beijing ng “matitinding hakbang” upang ipagtanggol ang kanilang inaangking teritoryo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng na hindi papayagan ng China ang “iresponsableng aksyon” at nanawagan itong bumalik ang Pilipinas sa dayalogo at konsultasyon.
Sinabi rin niyang bukas ang China sa negosasyon at nagpapatuloy ang komunikasyon ng dalawang bansa sa diplomatic channels.
Itinanggi rin ng China ang mga paratang ng Pilipinas, kabilang ang paggamit umano ng radar laban sa Philippine vessel, at tinawag itong gawa-gawa. Sa halip, inakusahan nito ang Pilipinas ng paulit-ulit umanong probokasyon sa mga pinagtatalunang lugar.
Muling iginiit ng China ang kanilang soberanya alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea, habang naninindigan naman ang Pilipinas na ang mga aksyon nito ay legal at batay sa 2016 arbitral ruling.















