-- Advertisements --
image 303

Aminado ang Bureau of Internal Revenue(BIR) na malaking hamon sa pamahalaan ang pagpasok ng mga kontrabandong produkto nang hindi namomonitor ng mga otoridad.

Ayon kay BIR commissioner Romeo Lumagui Jr., pinakamalaking hamon ang archipelagic landscape ng Pilipinas para ma-monitor ang mga ipinupuslit na produkto sa bansa.

Dahil dito, inirekomenda ng opisyal ang pagpapalakas pa ng border control, intelligence network, at mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, na kinabibilangan ng Bureau of Customs, Philippine National Police, Coast Guard, at National Bureau of Investigation.

Inirekomenda rin ng opisyal ang pag-pokus sa mga industrial parks at economic and freeport zones ng bansa na nagiging daanan ng mga kontrabandong produkto.

Sa kasalukuyan, tinitingnan na rin ng BIR ang posibilidad ng mas mahigpit na kaparusahan sa mga mapapatunayang may kaugnayan sa pagpupuslit ng mga produkto at kalakalan sa likod nito.

Batay sa monitoring ng BIR, ang tabako at sigarilyo ang isa sa mga pangunahing produktong ipinupuslit sa bansa, na nagiging dahilan ng pagkalugi ng pamalaan ng bilyon-bilyong halaga ng kita.