-- Advertisements --

Nagsampa na ng kasong libel at cyber libel si Bureau of Internal Revenue (BIR) Comm. Caesar Dulay laban sa kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo.

Layunin umano nitong matuldukan ang aniya’y walang basehang batikos ng kolumnista.

Kasama rin sa kinasuhan ng BIR chief ang mga opisyal ng Manila Times bunsod ng tatlong column na inilabas sa nasabing pahayagan, na dahil sa public nature nito ay dinampot din ng ibang miyembro ng media.

Doon ay inakusahan ni Tulfo sa kanyang column na pinamagatang “My Line of Sight: Conversations between two BIR execs reveals all” si Dulay na mayroon daw “skeletons in the closet at the graft-ridden agency.”

Samantalang ang pangalawang column naman noong August 8 ay nagsasabi na nagkaroon umano ng bayaran sa multibillion peso tax cases mula sa mga delinquent na kompaniya at pinalalabas na si Dulay ay “insatiable greedy extortionist, a cheat and a corrupt official in (president) Digong’s government.”

Sa pangatlong column noong Aug. 20, nanawagan si Tulfo ng isang investigasyon sa corruption laban kay Dulay at binansagan pa itong kompromisong pagbayad ng Del Monte ng mahigit P65 million sa halip na sa “huge delinquent tax amounting to P8.7 billion.”

Ayon kay Dulay, ang mga nasabing column ay pawang walang katotohanan at nakakasira daw ng imahe ng isang opisyal.

“Not only directly pictured me as a corrupt official, an animal, a thief, minion of Satan, greedy bastard and maliciously portrayed me as a ‘criminal’…” wika ng opisyal.

Sa nasabing kaso, humihingi si Dulay ng danyos na P20 million bilang bayad pinsala at ang precautionary hold departure order laban kay Tulfo.

Ang mga kaso ay malinaw aniyang hindi una para kay Tulfo dahil sa packaging niyang isang hard-hitting journalist na palaging tila kakampi ang mahihirap.

Sa katunayan ay ilang beses nang nalagay sa alanganin si Tulfo dahil sa kaniyang brand of journalism, kung ito man daw ang tamang tawag dito.

Sa katotohanan na ang mga opisyal ay hindi dapat nagiging balat-sibuyas kapag nababatikos, aniya dapat ding responsable ang mga bumabatikos at ang lahat ng kanilang detalye ay nakabase lang dapat sa katotohanan at hindi sa fake news o sabi-sabi lang ng kung sino sino.

Sa kaso ring ito, sinabi ni Dulay na hindi man lang inalam ni Tulfo kung totoo o hindi ang kaniyang mga sinabi laban sa opisyal.

Ayon pa sa BIR chief, ang kaso ng Del Monte ay hindi umabot ng Court of Tax Appeals (CTA) at wala rin itong kompromisong nangyari kagaya ng sinasabi ni Tulfo.

“The collection was based on a series of assessments based on Revenue Procedures and delegated authority. These assessments were based on documents submitted as part of the Revenue Procedures. Thus, we cannot just make up a collection amount without evidence to support it,” saad pa ni Dulay sa pagsampa ng kaso.

Maging si Teresita Angeles ng BIR ay inakusahan ni Tulfo na babaeng nasa likod ng video recording na nagsabing may malawakang corruption sa BIR, ngunit lumantad na rin upang itanggi na siya nga ang nasa video.

Matagal na umanong sinasabi ni Tulfo na siya ay isang journalist subalit patunay raw ang mga kaso na hindi ito pasok kahit man lang sa minimum requirements ng pagiging isang matinong journalist na nagbe-verify ng detalye at hindi naniniwala sa fake news.