Inaalam na ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Carlito ang lahat ng detalye hinggil sa pambobomba kahapon sa Isulan, Sultan Kudarat, na nag-iwan ng 18 kataong sugatan.

Ayon kay Police Regional Office-12 regional director Pol. B/Gen. Eliseo Tam Rasco, batay sa inisyal na imbestigasyon ng SITG Carlito, extortion ang tinitignang motibo sa insidente.

Nagsagawa na aniya ng mga hakbang ang nasabing special task group para matukoy ang mga responsable sa insidente.

Mariing kinondena ni Rasco ang pambobomba at nagpahayag ng pakikisimpatya sa lahat ng biktima.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Rasco ang paghihigpit sa seguridad sa Isulan at mga kalapit na lugar.

Nanawagan din ito sa publiko na ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulis ang mga kahina-hinalang bagay o tao sa kanilang kapaligiran.