CAUAYAN CITY- Patay ang isang menor de edad matapos makabanggaan ng minanehong motorsiklo ang isang sasakyan sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy Tallungan Reina Mercedes Isabela.

Ang namatay na biktima ay si John Erol Ramos, 16 anyos, Grade 11 student at residente ng Sinippil Reina Mercedes Isabela habang ang suspek at driver ng sasakyan ay si Richard Bigbigan, 30 anyos, may asawa, isang Civil Engineer at residente ng Upi, Gamu, Isabela.

Lumabas sa paunang pagsisiyasat ng Reina Mercedes Police Station na binabagtas ng biktima lulan ng kanyang motorsiklo ang pambansang lansangan patungong Cauayan City nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bahagya umano itong umagaw ng linya kung kayat nabangga siya ng kasalubong na sasakyan na minaneho ni Bigbigan.

Dahil dito ay nagtamo ng mga malalang sugat ang menor de edad na tsuper ng motorsiklo na dinala pa sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.