CAUAYAN CITY – Patay ang isang binata sa Bagong Sikat, San Mateo, Isabela matapos uminom ng pesticide dahil sa nawawalang pera.

Kinilala ang biktima na si Gerry Bernardino, 20, residente ng nasabing lugar.

Sa nakuhang impormayon ng Bombo Radyo Cauayan, isinugod si Bernardino sa San Mateo Integrated Hospital ngunit namatay habang ginagamot.

Ayon sa ilang kaanak ng binata, hinanap niya ang kanyang pera na P60 at kung sino- sino umano ang kanyang pinagbintangang kumuha nito.

Nagalit si Bernardino nang hindi maibalik ang nawawalang pera.

Hindi akalain ng kanyang mga kaanak na hahantong sa pag-inom ng lason ni Bernardino ang paghahanap niya sa nawawala niyang pera.

Nabigla na lamang sila ng may nagsabing bumubula ang bibig ng binata dahil sa pag-inom ng pestisidyo na naging sanhi ng kanyang kamatayan.