-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tumataas na ang bilang ng mga turistang bumibisita sa isla ng Boracay.

Sa datos ng Municipal Tourism Office ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, nasa 23,599 na ang visitor arrivals simula Hunyo 1 hanggang Hunyo 27.

Ayon kay Malay chief tourism operations officer Felix Delos Santos Jr. inaasahang magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng tourist arrivals upang unti-unti nang makabawi ang mga negosyante at manggagawa sa isla.

Aniya, ang mga turista pa rin mula sa National Capital Region (NCR) Plus o Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ang nangunguna sa mga pumapasok na turista na umabot sa 15,075.

Ang iba pang mga turista ay nagmula sa Mindanao at iba pang bahagi ng Luzon at Visayas.

Noong nakaraang buwan ng Mayo ang isla ay nakapagtala lamang ng 1,737 na bisita.

Dagdag pa ni Delos Santos maliban sa 11 turistang nahuli ngayong Hunyo sa muling pagbubukas ng Boracay sa mga taga-NCR, wala nang iba pang nagtangkang gumamit ng pekeng negatibong RT-PCR test result upang makapasok sa isla.