Umakyat sa 9.4 milyon na mga Pilipino ang walang trabaho noong December 2023 ayon sa isinagawang survey ng Social Weather Stations o SWS.
Isinagawa ang survey noong December 8 hanggang December 11.
Ito ay mas mataas sa naitalang 7.9 milyong jobless Filipinos noong September 2023.
Nakita rin sa survey na mas maraming babae ang walang trabaho kaysa sa mga lalaki.
Ayon sa SWS, kabilang sa mga ito ang boluntaryong umalis sa trabaho, ang mga naghahanap ng trabaho, at ang mga nawalan ng trabaho dahil sa hindi inaasahang pagkakataon.
Lumabas din sa naturang survey na lagpas 48.3 million na Pilipino ang kabilang sa labor force participation o mga taong may kasalukuyang trabaho.
Samantala, kabaligtaran naman ito sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Ayon kasi sa PSA, bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong huling buwan ng taong 2023.
Nakapagtala lamang ang ahensiya ng 1.60 million na unemployed individuals noong December 2023.
Ipinaliwanag naman ng SWS na may pagkakaiba sa mga depinisyon at pamamaraan ng pagsu-survey ang SWS at PSA kaya nagkakaroon din ng malaking pagkakaiba sa resulta ng unemployment rate ng PSA at joblessness rate ng SWS.