-- Advertisements --

Nakapagtala ng pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ang Philippine Statistics Authority noong Disyembre 2023.

Ito ang inihayag ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa batay sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw.

Batay sa pinakahuling ulat ng naturang ahensya, lumalabas na bumaba sa 1.6 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho na may edad 15 taong gulang pataas noong Disyembre 2023 na mas mababa kumpara sa 1.83 milyon na mga unemployed inviduals na naitala noong Nobyembre 2023.

Katumbas ito ng 3.1% na unemployment rate na naitala mula sa kabuuang 52.13 milyon katao na kabilang sa labor force.

Ibig sabihin, 31 mula sa 1,000 mga indibidwal sa labor force ang walang trabaho o kabuhayan noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Sabi ni Mapa, ang naitalang unemployment rate sa bansa noong 2023 ay ang pinakamababang bilang na naitala ng PSA mula noong taong 2005.

Kaugnay nito ay tumaas naman ang bilang ng mga employed individuals sa bansa sa 50.52 milyon mula sa dating 49.64 milyon na naitala noong Nobyembre 2023.

Habang kung year-on-year report naman ang pag-uusapan ay mas mataas ng 1.52 million ang mga may trabaho mula sa 49 million na mga employed individuals na naitala nito noong Disyembre 2022.