-- Advertisements --
image 55

Muling tumaas ang bilang ng mga PIlipinong nakakaranas ng kagutuman sa nakalipas na tatlong buwan.

Ito ay batay sa resulta ng June 2023 survey na inilabas ng Social Weather Station.

Lumalabas sa nasabing survey na 10.4% ng mga pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang nasabing porsyento ay mas mataas kumpara sa resulta ng survey noong Marso na umabot lamang sa 9.8%.

Gayonpaman, mas mababa pa rin ito kaysa sa 11.3% na naitala sa pagtatapos ng 2022, o katumbas ng 2.9million na pamilya.

Pinakamarami sa mga nakakaranas ng gutom ay mula sa mga pamilya sa Metro Manila na nasa 15.7%.

Bumaba naman ang hunger rate sa Mindanao sa 6.3% mula sa 11.7% noong buwan ng Marso.

Samantala, ang survey ay isinagawa mula Hunyo-28 hanggang Hulyo-1 ng kasalukuyang taon. Umabot sa 1,500 Filipinos ang naging correspondents na isinailalim sa face-to-face interviews.