-- Advertisements --

Hindi bababa sa 657 katao ang nasawi at halos 1,000 ang nasugatan kaugnay ng malalakas na pag-ulan sa Pakistan mula noong Hunyo 26, ayon sa National Disaster Management Authority (NDMA).

Sa isang media briefing nitong Linggo, sinabi ng tagapagsalita ng NDMA na si Tayyab Shah na inaasahan pang magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan hanggang Agosto 22, at may dalawa hanggang tatlong panibagong bugso ng monsoon rains silang inaasahan sa Setyembre.

Ayon sa datos ng NDMA, kabilang sa mga nasawi ay 171 bata, 94 babae, at 392 lalaki.

Pinakamalubhang napinsala ang lalawigan ng Khyber Pakhtunkhwa, kung saan 390 katao ang namatay. Sinundan ito ng Punjab (164 patay), Sindh (28), Balochistan (20), Gilgit-Baltistan (32), Pakistan-occupied Kashmir (15), at Islamabad (8).

Habang sa Buner district, 84 katao ang nasawi sa flash floods dulot ng cloudburst, kabilang ang 21 miyembro ng isang pamilyang naghahanda sana para sa isang kasal.

Ayon pa kay PDMA Director General Asfandyar Khattak, may humigit-kumulang 150 katao pa ang nawawala sa mga lalawigan ng Buner at Shangla. Kasalukuyang nagsasagawa sila ng rescue operations, at limang military helicopters narin ang ginagamit para sa operasyon.

Naglaan na rin ang pamahalaang panlalawigan ng PKR1.5 billion ($5,288,377) para sa relief operations. Ipinadala na rin ang mga truck upang tumulong sa mga apektadong lugar, kabilang ang Buner, Swat, at Bajaur.

Samantala, narekober narin ang black box ng MI-17 rescue helicopter na bumagsak noong Agosto 15 sa Bajaur habang naghahatid ng relief goods kung saan lahat ng limang crew members ay nasawi.

Iniutos naman ni Prime Minister Shehbaz Sharif sa mga federal ministers nito na direktang pamunuan ang relief operations sa Khyber Pakhtunkhwa. Isinasagawa na rin ang pamimigay ng food packs, tolda, at gamot sa ilalim ng PM’s Relief Package.

Ayon naman sa Department of Education ng Pakistan, 61 pampublikong paaralan ang hindi nag-ooperate, habang 414 pa ang bahagyang napinsala sa Khyber Pakhtunkhwa dahil sa malalakas na ulan at baha.