-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Ipinahayag ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 8 na posibleng patuloy pa na madagdagan ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring landslides sa lungsod ng Baybay sa lalawigan ng Leyte.

Ayon kay Rey Gozon, Assistant Regional Director ng OCD 8, aabot sa pitong mga landslide ang naitala sa nasabing lungsod kung saan sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang rescue at retrieval operation ng mga otoridad.

Sa ngayon, ayon sa OCD, aabot sa 14 ang documented deaths na naitala sa Baybay City samantala aabot naman sa 22 ang bilang ng mga ito base sa tala ng Philippine National Police o PNP.

Ang mga ito ay mga biktima o bangkay na narekober mula sa iba’t ibang barangay kung saan nangyari ang pag-guho ng lupa tulad na lamang ng Brgy. Bunga, Brgy. Mailhi, Brgy. Maypatag at Brgy. Kantagnos.

Sa ngayon ay may ilan pang mga missing na biktima na patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Samantala, nasa ligtas na lugar na ang ilang mga survivors sa nasabing landslides sa lungsod ng Baybay.