Tumaas pa ang bilang ng mga nagugutom sa Africa dahil sa patuloy na nararanasang tagtuyot bunsod ng kawalan ng pag-ulan.
Ayon kay United Nations World Food Program (WFP) executive director David Beasley na mayroong mahigit 22 milyon ang nakakaranas na ng taggutom sa mga matinding tinamaan ng tagtuyot.
Ang mga lugar na tinukoy nito ay ang Kenya, Somalia at Ethiopia.
Nanawagan ito sa mga bansa na dapat gumawa na ng paraan para matulungan ang nasabing mga bansa.
Pinangangambahan nila na ang nasabing bilang ay posibleng tumaas pa dahil sa patuloy na nararanasang tagtuyot.
Noong nakaraang buwan ay inanunsiyo ng US na magbibigay ito ng $1.2 bilyon bilang emergency food and malnutrition treatment para matulungan ang mga nagugutom sa mga bansa ng Africa.