Halos dumoble ang bilang ng mga nababakunahang indibidwal kontra COVID-19 sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR), ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos, ang mga lugar na ito ay Valenzuela, Malabon, Navotas, at Caloocan.
Sa Valenzuela, hangad ng local government na palawigin ang oras para sa pagpapabakuna.
Sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na sobra sa binigay na quota sa kanila na 5,200 ang bilang ng mga nababakunahan sa Valenzuela dahil hanggang alas-10:00 ng gabi ang kanilang pagpapabakuna.
Sa oras na matapos na sila sa kanilang vaccination drive, sinabi ng alkalde na tutulong din sila sa mga kalapit na lugar tulad ng Bulacan.
Samantala, sinabi naman ng local government ng Malabon na hindi pa nila kinukonsidera sa ngayon ang 24/7 na pagpapabakuna sapagkat hindi pa naman ito kinakailangan.
Sa Navotas naman, 76% ng target population o 115,000 indibidwal na ang nabakunahan ng first dose, habang 60% o 85,000 ang fully vaccinated na kontra COVID-19.
Sa kabila nito, hinihimok ng local government ang publiko na manatiling mapagmatyag sa harap ng banta ng mgas nakakahawang Delta variant.
Dumoble rin ang bilang ng mga nabakunahan sa Caloocan, at target ng local government na mabakunahan na salalong madaling panahon ang 1.2 million katao sa kanilang 1.7 million na populasyon.
Sa naturang bilang, napag-alaman na 500,000 ang mga bata.