Nasa kabuuang 18 miyembro na ng Dawlah Islamiyah-Maute Group na ang nanutralisa ng Hukbong Sandatahan.
Ito ang iniulat ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng pinakahuling insidente ng armed encounter sa pagitan ng militar at naturang teroristang grupo na ikinasawi ng anim na sundalo, at 3 terorista.
Aniya, resulta ito ng nagpapatuloy na operasyon at pagtugis ng kasundaluhan sa nalalabing mga miyembro DI-MG na pangunahing mga suspek din sa madugong bombing sa Mindanao State University noong nakaraang taon.
Matatandaang kabilang sa mga nanutralisa ng kasundaluhan ay ang mismong utak sa likod ng naturang pangbobomba sa unibersidad na si alyas Engineer.
Samantala, kasabay nito ay nagpahayag naman ng pakikiramay si Gen. Brawner sa mga pamilyang naulila ng mga nasawing sundalo, gayundin sa mga kaanak ng mga sugatang tropa ng militar.
Kaugnay nito ay tiniyak din ng heneral na patuloy na magpapatuloy ang pagsusumikap ng buong hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tapusin ang kanilang misyon sa pagsugpo sa lahat ng mga natitirang local terrorist groups sa bansa sa lalong madaling panahon.