Nadagdagan pa ang bilang ng mga Mindanaon leaders na nagpahayag ng suporta sa “united Mindanao.”
Tinanggihan ng provincial government ng Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat ang panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Sa isang pahayag sinabi ni Maguindanao del Sur Gov. Bai Mariam Sangki Mangudadatu, ang Mindanao secession ay ipagkakait nito ang mga karapatan ng kanilang mga tao sa Konstitusyon at ikokompromiso ang pagsisikap ng pamahalaan na bumuo ng isang mas malakas na Pilipinas.
Binigyang-diin ng gobernadora na hindi ang paghihiwalay ng Mindanao ang sagot sa problema sa rehiyon.
“Ang Mindanao ay salamin ng pagkakaiba-iba, pag-unlad at pagpapanatili ng kapayapaan. Ang pagkakaisa ay humahantong sa kapayapaan, kaunlaran at kaunlaran. Taliwas sa kawalang-tatag, kawalan ng pag-unlad at kaguluhan,” pahayag ni Gobernador Sangki Mangudadatu.
Sa kabilang dako, pinagtibay din ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ang kanyang pangako sa demokrasya, inclusivity at hustisya habang nanawagan siya para sa pagkakaisa at isang nagkakaisang Pilipinas, na tumututol sa mga panawagan para sa paghihiwalay sa Mindanao.
Nanindigan din si Gobernador Ali Mangudadatu na ang alalahanin ng Mindanao ay dapat lutasin nang hindi hinahabol ang paghiwalay sa iba pang bahagi ng Pilipinas dahil idiniin niya na ito ay hahantong lamang sa pagkagambala sa productivity ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Iginiit din ni Gov. Ali Mangudadatu na ang mga mamamayan ng Mindanao ay may kalayaan na hubugin ang kanilang mga pampulitikang pagpili sa loob ng batas, na nagtataguyod sa esensya ng demokratikong pamamahala kung saan ang mga indibidwal na kalayaan ay “hindi nalalayo sa kolektibong responsibilidad na igalang at sundin ang mga batas ng lupain.”