BOMBO DAGUPAN – Umaabot na sa 55 katao ang kumpirmadong nasawi habang nasa 15,000 na ang kabuuan sa mga turistang inilikas sa isla ng Maui sa bansang Hawaii dahil sa wildfire.
Ayon kay Joey Omila, ang Bombo International News Correspondent sa bansang Florida, USA, noon pang nakaraang Agosto 9 nagsimulang sumiklab ang apoy sa kalagitnaan nang mapayapang pagbabakasyon ng mga turista.
Nagkaroon na umano ng red warning sa lugar ngunit wala umanong pumansin.
Saad ni Omila na ngayong unti-unti nang naaapula ang apoy, inaasahan pang darami pa ang bilang ng mga matatagpuang mga labi at maaari pang umabot sa tatlong numero ang kanilang bilang.
Base aniya sa mga otoridad, ang kumbinasyon ng mga tuyong mga damo at mga puno, walang ulan na sinabayan pa ng pagdaan ng Hurricane Dora ang siyang nakikitang sanhi ng pagsisimula ng sunog.
Maaari aniyang may maliit lamang na sunog sa kung saan mang lugar at tinangay ito ng hangin na siyang dahilan ng pagkalat ng apoy.
“Umiikot ang hangin na parang tumatalun-talon na pumupunta kung saan saan”
Ganito naman ang pagsasalarawan ni Omila sa panalalasa ng Hurricane Dora.
Dahil dito, sa isang iglap lamang, ang napakagandang lugar ng Lahaina, nagmistulang abo na lamang.
Samantala, dinala naman ang mga bakwit na turista sa Honolulu.