Iniulat ng Department of Health na hindi nakikitaan sa ngayon ng paggalaw ang bilang ng mga kaso ng sakit na Pertussis o whooping cough sa Metro Manila.
Gayunpaman ay sinabi ni DOH Undersecretry Eric Tayag na inaasahan pa rin nila na posible pang madagdagan ang bilang ng mga kasong ito sa susunod na mga araw.
Ito ay sa kadahilanang sa ngayon ay halos nasa sampung rehiyon na sa bansa ang nakitaan ng pagtaas ng kaso ng pertussis maliban sa NCR kung saan hindi aniya tumataas ang kaso nito.
Aniya, kasalukuyan nang naka-alerto ngayon ang maraming lugar sa buong Pilipinas nang dahil sa pagkalat ng naturang sakit, particular na sa mga kabataan.
Samantala, sa datos pa ng ahensya sa ngayon ay nasa kabuuang 453 na mga Pilipino sa buong bansa na ang infected ng Pertussis sa loob lamang ng unang 10 linggo ng taong 2024.
Mula sa naturang bilang, aabot sa 38 ang naitalang sa NCR, na sinundan naman ng Calabarzon at Central Visayas.
Habang nasa 38 kaso ng pagkasawi dahil sa nasabing sakit ang naitalang ng DOH.
Kaugnay nito ay patuloy naman ang ginagawang panawagan ng health department sa lahat ng mga magulang o guardians na agad na pabakunahan ng pentavalent vaccine ang kanilang mga anak na may edad na 6 weeks old hanggang 23 months old para sa mga sakit na Diptheria, Pertussis, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus Influenza type B.
Kaugnay nito ay nag-order na rin ang DOH ng nasa 800,000 hanggang isang milyong doses ng mga bakuha laban sa naturang sakit na inaasahan namang darating sa bansa sa buwan ng Hunyo.
Kasabay nito ay nilinaw naman ng Health Official na hindi tulad ng COVID-19 ay hindi aniya Magpapatupad ng lock down o mandatoryong pagsusuot ng face masks ang publiko nang dahil mga kaso ng pertussis na naitatala sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ngunit hinihikayat pa rin aniya ang publiko na boluntaryong magsuot ng face mask at manatili muna sa kanilang mga tahanan kung may sakit upang maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa pertussis.