-- Advertisements --

Nakahanda umano ang simbahang Katoliko na mag-adjust kung sakali man na limitahan na rin ang bilang ng mga dadalo sa papalapit na Simbang Gabi.

Sang-ayon si Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, sa plano ni Manila Mayor Isko Moreno na limitahan lamang ang bilang ng mga deboto na papayagang dumalo sa tradisyunal na Simbang Gabi ngayong taon.

Hindi raw kasi maiiwasan ng mga Pilipino na magdiwang sa nalalapit na kapaskuhan dahil kasama na ito sa kultura na kinalakihan nating mga Pinoy.

Nakahanda rin aniya ang simbahan na magpatupad ng dagdag precautionary measures upang hindi kumalat ang deadly virus sa mga magsisimba.

Humingi naman ng pang-unawa ang alkalde sa publiko na maging responsable sa kani-kanilang paraan.

Samantala, may plano na rin ang Baclaran Church kung paano gagawin ang Simbang Gabi na hindi malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga magsisimba.

Batay sa impormasyon, kung papayagan daw ang Baclaran Church ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay itutuloy nito ang misa tuwing alas-4:00 ng umaga.

Kung hindi naman ay may nakahanda na ring plan B ang naturang simbahan. Balak nito na pagkatapos na lamang ng 5 a.m curfew gawin ang misa o di kaya naman ay pagsapit ng alas-6:00 ng umaga.