-- Advertisements --

Umabot sa pinakamababang bilang noong 2022 ang mga batang namamatay na may edad lima pababa ayon sa ulat ng United Nations. 

Ito raw ang unang pagkakataon na mas mababa sa limang milyong bata ang namatay sa buong mundo. 

Ang naitalang ito ay 51% na mas mababa sa naiulat noong taong 2000 at 62% na mas kaunti sa bilang noong 1990. 

Ayon sa ulat na inihanda ng UNICEF kasama ang World Health Organization at World Bank, nakakita ng pagbaba ng early childhood mortality sa mga developing countries gaya ng Malawi, Rwanda, at Mongolia. 

Para kay UNICEF Executive Director Catherine Russel, isa raw sa mga dahilan nito ay ang midwives at health personnel na umaalalay sa mga nanay upang ligtas na makapanganak gayundin sa pagsisigurong nabakunahan ang mga bata laban sa mga nakamamatay na sakit. 

Gayunpaman, hindi raw dapat maging kampante sa pagbaba ng numero dahil maaari itong tumaas kung hindi magpapatuloy ang mga hakbang para labanan ang mga panganib sa buhay ng mga bata gaya ng pagtaas ng kaso ng respiratory infections, malaria at diarrhea.