-- Advertisements --
road rage incident

Desidido na ang biktimang siklista sa nangyaring viral road rage sa Quezon City na hindi na magsampa pa ng reklamo laban kay Wilfredo Gonzales na dating pulis na nanampal at nagkasa ng baril laban sa kanya.

Ayon kay Atty. Raymund Fortun, ito ay sa kabila ng kaniyang pangungumbinsi sa nasabing siklista kasabay ng pagpaaabot ng nag-uumapaw na suporta sa kaniya ng iba’t-ibang sektor, at maging ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Aniya, bagama’t tiniyak niya na handa siyang tumayo bilang abogado nito ay nanindigan ang siklista na hindi na ito magsasampa pa ng kaso laban kay Gonzales.

Ngunit gayunpaman ay umaasa pa rin si Atty. Fortun na magbabago pa ang isip ng siklistang sinaktan at kinasahan ng baril ng nakagitgitan sa kalsada nitong si Gonzales.

Ang kanilang naging pag-uusap ay kasunod ng isinagawang pakikipagpulong ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga siklista at motorcycle rider kaugnay sa plano ng kagawaran na pagtatalaga ng road sharing ng bicycle lane sa kahabaan ng EDSA.