Hinatulang guilty sa kasong perjury si Peter Joemel “Bikoy” Advincula na nag-dawit sa pamilya Duterte sa illegal drug trade.
Inakusahan din ni Advincula ang ilang oposisyon na sangkot umano sa plano noon na pagpapatalsik kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng “Ang Totoong Narco-list” videos.
Sinitensiyahan ng Manila court si Advincula ng hanggang isang taon at isang araw na pagkakakulong dahil sa maling akusasyon nito laban sa tatlong Free Legal Assistance group (FLAG) lawyers.
Una ng naghain ang tatlong abogado na kinabibilangan nina Human rights lawyer Chel Diokno, Erin Tañada at Theodore Te, ng criminal complaint laban kay Advincula na naga-akusa sa kaniya ng pagsisinungaling nito sa pagdadawit sa kanila sa plano umanong pagpapatalsik kay dating Pangulong Duterte.
Ibinulgar din noong 2019 ni Advincula na nakipagkita siya sa Otso Diretso na kinabibilangan nina VP Leni Robredo, Diokno, Tañada at iba pang senatorial candidates ng partido sa Ateneo de Manila sa QC para talakayin ang kanilang gagawin para manalo sa halalan subalit itinanggi ng mga kandidato ng Otso Diretso na nakipagkita sila kay Advincula.