-- Advertisements --

Tahimik pa rin ang kampo ni Direk Joyce Bernal kaugnay sa hindi napayagang shooting sana nila sa Sagada, Mt. Province nitong araw ng Linggo, at ngayong araw lumabas ang mga report na dumiretso pala ang mga ito sa Banaue.

Batay sa impormasyon, tulad sa Sagada ay sinamahan sila ng Banaue police paalis sa probinsya ng Ifugao alinsunod sa Executive Order No. 26 na inilabas ni Mayor Dr. Wesley Dulawan.

Nakasaad sa nasabing kautusan na bawal munang mamasyal sa kanilang bayan simula July 3 hanggang July 10.

Ito’y bunsod ng naitalang pinakaunang positive case ng coronavirus sa Banaue kung saan bumisita ang naturang pasyente sa mga kalapit na bayan ng Hingyon, Lagawe, Lamut, at Tinoc.

Sinasabing matapos hindi muli payagan sa Banaue, bumalik sa Baguio ang buong team pero dumaan muna sa COVID-19 protocol sa Baguio General Hospital triage.

Sa ngayon ay hindi pa rin malinaw kung kasama ang mga aktor na sina Piolo Pascual at Bela Padilla sa target na footage o video sa ilang tourist spot sa Baguio para sa nalalapit na panglimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na July 27.

Una rito, hindi pinayagan ng Sagada council ang hininging shooting permit ni Bb. Joyce Bernal kahit pa thankful sila sa pagkakapili sa kanilang tourist spot bilang background sa SONA ni Digong.

Naninindigan kasi ang mga ito na bawal pa ang pagpasok sa Sagada lalo na ng mga tagalabas dahil epektibo ito laban sa deadly virus kung saan nananatili silang COVID-free o wala pang naitatalang kaso ng naturang virus mula China.

Tanging isang kaso lang ng coronavirus ang mayroon sa buong Mountain Province.

Kung maaalala, ang nasabing award-winning romantic comedy director din ang nanguna sa mga angle shots sa SONA ni Pangulong Duterte sa nakalipas na dalawang taon.

Bago si Bernal, ang batikan din na si Brillante Mendoza ang naging direktor sa unang dalawang SONA ni Pangulong Duterte.