Panibagong malakihang oil price hike sa presyo ng mga produktong petrolyo ang asahan ng mga motorista sa susunod na linggo.
Ito na ang ika-siyam na sunod-sunod na linggong nagkaroon ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga energy sources, nasa P1.10 hanggang P1.20 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P0.40 hanggang P0.50 naman sa kada litro ng diesel.
Kung maalala, noong Martest ang mga kumpanyang Chevron Philippines Inc. (Caltex), Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. ay nagpatupad ng price increase sa kada litro ng gasolina na P1.80, P1.50 naman sa diesel at P1.30 sa kerosene.
Mula noong Agosto 31, nasa P7.15 na ang naging umento sa kada litro ng diesel, P5.40 sa kada litro ng gasolina at P6.75 naman sa kerosene.
Pero base sa year-to-date adjustments, nasa P19.65 na ang total net increase sa kada litro ng gasolina, P18.00 sa kada litro ng diesel at P15.49 sa kerosene.
Ang oil price hike ay karaniwang inaanunsiyo sa araw ng Lunes at ipinatutupad sa araw ng Martes.
Kung maalala noong nakaraang linggo ay naghain na ng petisyon ang grupo ng mga tsuper sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para hilinging magkaroon ng P3 na umento sa pasahe sa mga public utility vehicles (PUV).
Sinang-ayunan ito ng grupo ng mga commuter dahil umaaray na rin ang mga tsuper sa serye ng oil price hike sa bansa.
Kung maaaprubahan, P12 na ang base fare para sa mga pampublikong sasakyan.
Pero ayon sa LTFRB, hindi raw nila kayang ibigay ang P3 minimum fare hike para sa public transport.
Sinabi ni LTFRB executive director Joel Bolano na base sa kanilang year-on-year computation, hindi dapat mas mataas sa P1.26 ang dagdag sa pasahe.
Aniya base na rin ito sa memorandum circular na pinagkasunduan ng LTFRB dahil na rin sa halos linggo-linggong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.