-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi na maaaring maipagpatuloy pa ng kontrobersyal na si Patrocenio C. Chiyuto Jr., alyas Don Chiyuto alyas Don Zhang Lee Chiyuto, ang operasyon ng Chiyuto Creative Wealth Document Facilitation Services (CCWDFS) o Double Your Money Investment Scheme.

Kung maaalala, sinilbihan ng Cease and Desist Order (CDO) ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang nasabing investment scheme na nakabase sa Roxas City, Capiz, upang ipatigil ang kanilang iligal na aktibidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Russell Ildesa, director ng SEC Region VI, sinabi nito na nabigo si Chiyuto na makapagsumite ng verified motion sa show cause order ng SEC upang ma-lift ang CDO sa itinakdang deadline na Pebrero 10.

Ayon kay Ildesa, wala na ring pag-asa pa na maisumite ni Don Chiyuto ang secondary license sa SEC.

Dahil dito ayon sa SEC director, magiging permanente na ang CDO at hindi na maaring magpatuloy pa ang kompaniya na mag-solicit ng pera mula sa publiko.

Nakasaad din sa CDO na hindi na maaaring mahawakan pa ng Chiyuto ang lahat ng kanilang assets at maging ang bank accounts ng Chiyuto Creative Wealth Document Facilitation Services.

Nagmungkahi rin si Ildesa sa investors ni Chiyuto na huwag nang umasa pa na makapagbibigay ito ng payout sa Pebrero 14 matapos nangako si Don Chiyuto sa kanyang Facebook live na may mangyayaring payout sa Valentine’s day.