Naging agresibo ang pag-atake nina 2020 US presidential hopeful Joe Biden at running mate nito na si Kamala Harris laban sa pagkatao at performance ni President Donald Trump.
Ito’y matapos isapubliko ni Biden ang kaniyang desisyon na maging katambal si Harris sa gaganapin na presidential election sa Nobyembre.
Sa kauna-unahang joint appearance ng dalawa, pinuri ni Biden ang 55-anyos (singkwentay singko anyos) na California senator at dating prosecutor dahil siya raw ang natatanging kandidato na makakatulong kay Biden upang talunin si Trump.
Pinuri rin ni Biden ang walang takot na pagkwestyon ni Harris sa mga opisyal ng Trump administration na nasa senado.
Sa panig naman ni Harris ay hindi nito pinalampas ang mga tila pangmamaliit na kaniyang natanggap mula sa kampo ni Trump dahil sa kaniyang kasarian.
Ani Harris, ito na raw ang tamang panahon para ipamukha sa administrayon ni Trump na dapat nang baguhin ang mga tiwaling gawain nito.