-- Advertisements --
chem eng

LEGAZPI CITY – Hindi naging madali ang daan sa pagkamit ng tagumpay para sa topnotcher ng October 2021 Chemical Engineering Board Exam.

Tubong Legazpi City si Al Christian Gobres na nanguna sa higit 600 na kumuha ng pagsusulit sa exam rating na 84 percent.

Pagbabahagi nito sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahirap sa kaniya na mapalayo sa pamilya sa Bicol habang nag-aaral sa University of the Philippines kung saan ito nagtapos bilang Magna Cum Laude.

Bukod kasi sa pagka-miss sa pamilya, kinailangan ding maging independent sa aspetong pinansiyal.

Nabatid na nagtatrabahong company driver ang ama ni Gobres at sa photo studio naman ang ina habang nagdo-doktor ang panganay na kapatid at freshman college ang bunso.

Naipon din umano ang frustration ni Gobres sa ilang beses na pagpapaliban sa board exam dahil sa pandemya.

Aniya, isabay pa ang pagod dahil pinagsasabay ang pagtatrabaho bilang supply chain engineer kung umaga at nagre-review naman sa gabi.

Subalit sa kabila nito, hindi umano nagpatinag sa pressure si Gobres at patuloy na naniwala sa Panginoon na mapagtatagumpayan ang mga unos.