LEGAZPI CITY – Sumampa na sa 258 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Bicol, ayon sa Department of Health (DoH).
Umabot sa 14 ang mga panibagong kaso na naitala kung saan tatlo ang mula sa Catanduanes, lima sa Masbate, lima sa Camarines Sur at isa sa Albay.
Nabatid na 61-anyos na lalaki mula sa Virac si Bicol #245 na dumating noong Hulyo 5 galing sa Silang, Cavite at ngayo’y asymptomatic.
Nakapagtala na rin ng mga unang kaso nito ang bayan ng Gigmoto sa pamamagitan nina Bicol #246, 24-anyos na lalaking security guard, bumiyahe sa Quezon City, unang nakitaan ng sintomas noong Hulyo 12 habang asymptomatic naman si Bicol #247, 19-anyos na babae galing sa kaparehong lungsod.
Pawang mula sa bayan ng Batuan ang limang nadagdag na kaso sa Masbate na kinabibilangan ng 18-anyos na lalaking construction worker mula QC, 29-anyos na lalaki mula sa Caloocan, 24-anyos na lalaki galing QC, 20-anyos na babaeng kasambahay galing sa Bulacan, at 32-anyos na delivery man mula sa Tondo, Manila.
Napag-alamang na-expose ang mga ito sa apat na una nang nagpositibo sa COVID-19.
Lima rin ang panibagong nadagdag sa mga COVID-19 positive sa Camarines Sur kabilang na ang pinakaunang kaso sa Goa na isang 33-anyos na babae mula sa Taguig.
Samantala, inaalam pa ang petsa ng pagdating mula sa Germany ng 27-anyos na lalaking seafarer na nagpositibo mula sa Legazpi City.
Nasa quarantine facility na rin ang mga ito habang nagpapatuloy ang contact tracing sa iba pang nakasalamuha.
Samantala sa naturang bilang 144 ang aktibong kaso, 112 ang naka-recover sa pagdagdag ng anim na recoveries at walo naman ang nasawi dahil sa sakit.