Tuloy kahit araw ng Sabado ang bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.5 trillion.
Ayon kay Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, target nilang matapos ang paghimay ng pondo at pagkakaiba ng Senate at House version sa darating na Disyembre 7, 2020.
Kabilang sa bubuo sa Senate contingent sina Angara, bilang chairman, habang mga miyembro naman sina Sens. Pia Cayetano, Cynthia Villar, Panfilo Lacson, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Christopher Go, Imee Marcos, Risa Hontiveros, Grace Poe at Francis Pangilinan.
May mga alternatibong miyembro din ang lupon na kinabibilangan nina Sens. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Ronald “Bato” Dela Rosa, Nancy Binay at Ramon “Bong” Revilla Jr.
Kabilang sa mga dagdag na isinama sa version ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang P54 billion para sa unprogrammed appropriations sa bakuna laban sa COVID-19 at P21 billion sa unprogrammed appropriations para sa storage, transportation at distribusyon.
Ang Department of Interior and Local Government (DILG) naman ay paglalaanan ng P1 billion para sa contact tracing operations.
May nakalaan din sa general improvement ng health care system, kung saan aabot ito sa P6.497 billion.
Habang sa social benefits, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay may alokasyon pa rin para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na aabot sa P15.8 billion.
Sa Social Welfare Department naman ay may P12.7 billion, “4Ps” program na may P102.69 billion, social pension P23.6 billion, supplemental feeding program na may P3.9 billion, sustainable livelihood programs na mayroong P4.5 billion, social amelioration program na may P10 billion at maraming iba pa.
Tiwala naman si Angara na mareresolba sa lalong madaling panahon ang pagkakaiba ng version ng upper at lower House.
















